ANINO
Jayson Pilar Jacobo
“The land is filled with shadows.”
- Antonio de Morga, Sucesos de las
Islas Filipinas
Walang mapagsisinungalingan
at mapagtataksilan ang lilim
ng panahon at liwanag
ng pagkakataon kapag pinagsanib
ang balintataw ng bagamundo
at talisman ng teleskopyo.
Tunay nga –
Lupain ng mga anino ang lupaing
ito.
Anino ang hugis at anyo
ng nilalang sa anumang dako.
Kasingkulay ng balat ang abo,
laging bakas ng hukbong napasusuko,
ng anitong naipagkakanulo.
Kasintingkad ang gabi ng bungo,
tanging labi ng katawang naihihimlay
matapos ang segundo’t siglong
pakikipagkasundo sa dugo.
Hindi ka nagkakamali, Ginoo.
Lupain ng mga anino ang lupaing
ito.
Dahil sa tulad mong naliligaw
ngunit nananatili sa pugad na itong
tinatawag mong paraiso,
malinaw ang kaayusan ng mundo:
Kami ang dayuhan,
kayo ang katutubo.
Kami ang hayop,
kayo ang tao.
Kayo ang luningning,
kami ang anino.
Malaya mong maisasalaysay ang anumang
nasaksihan ng balintataw mo’t teleskopyo,
balat man ito ng katotohanan,
o bungo ng kani-kaniyang destino.
Ngunit hindi lantay na liwanag ang
luningning,
at hindi dalisay na dilim ang anino.
Laging nakapanghuhusga sa alamat
ang agham,
laging masasaksihan ng kapalaran
ang kasaysayan.
Pinagsisinungalingan ang panahon,
pinagtataksilan ang pagkakataon,
Nababaliw ang balintataw,
natutukso ang teleskopyo.
Mga anino’y nagpapatiwakal,
upang magluwal ng mga halimaw.
SIGNOS
Ano ang masasabi ninyo,
Ginoong Makata?
“Makata? Nagkakamali ka,
Binibini. Ako’y karaniwang
tao lamang na may pambihirang
karamdaman.”
Hinubad ng malaking pigura
ang kanyang sombrero
at talukbong at sa tanglaw ng
mga ilaw-poste ay lumitaw
ang kanyang mukhang naaagnas
sa ketong.
- Mike Bigornia, Nang Mauso ang
Magmakata
hindi pa nababasa ang mga sinaunang
tula
mabuti pang mabulag ang mga mata
habang aklat-aklas na ang hanap
ng makina –
ililibing ang berso sa bakal na
buntala.
masasaksihan ang pagkaagnas ng salita:
malilipol ang tanod ng taludtod
sa pagsamba sa sahod.
magagapi ang tuklaw ng tuklas
sa pagkutya ng kaltas.
mabubuwag ang tulay ng tayutay
sa paglimbag ng latay.
masasalanta ang taga ng tanda
sa paglupig sa lungga.
tuluyang mapapara ang mga banal
na babala.
aanhin ang mga mata
kung tanging mamamalas
ay mahika ng mekanika?
May mata ang makata
Sa pagkabulag, taal ang tatak
Takipsilim ang tula.
hindi pa nakikilala ang mga pinipintuhong
pantas
mainam nang matibag ang gunita
habang tala ng talinghaga ang kinakamkam
ng kalsada –
sa sagasa magagahasa ang buhay sa
katha.
mawawalang-saysay ang kasaysayan
ng alaala:
mababaklas ang kampay ng kanta
sa pagsuyo sa salaula.
mabubunyag ang kubli ng kuweba
sa paghagilap sa hampaslupa.
makakalas ang kagat ng kataga
sa pagbigti ng bihasa.
makikitil ang kintal ng kisapmata
sa pagsaksi ng sugapa.
lubusang matutunaw ang tanaw ng
tadhana.
ano pa ang silbi ng gunita
kung laging maaalala
ay kamao ng kontrata?
May daigdig ang makata
Sa pagkalimot, ugat ang ulap
Alaala ang tula.
hindi pa nagkakabisa ang kinamihasnang
batas
marapat pang magpatiwakal sa letra
habang dinaragit sa siyudad
ang diwa ng dukha –
mapapaslang sa ilang ang kusa ng
kaluluwa.
matutungkab ang balat ng balarila:
malilitis ang lihim ng liham
sa paglingap sa libak.
malalagalag ang lagim ng lamig
sa pag-alab ng latak.
malulublob ang luho ng luha
sa pagluksa sa lusak.
maliliblib ang litid ng limahid
sa pagligwak ng lantak.
ganap na malalabag ang tradisyon
ng tangka.
anong bantayog ang maiaalay sa salita
kung tanging maisasagisag
ay multo ng multa?
May ngalan ang makata
Sa pagpanaw, dangal ang dalangin
ng dampa
Kalasag ang kalansay ng tula.
|